MISSION
“Sama-samang pagkilos at pakikipagtulungan ng bawat isa tungo sa matatag na pamayanan, magung masipag, matiyaga upang maging masagana ang pamumuhay, pagyamanin ang kalikasan, pangalagaan at pag-ingatan ang pasilidad at imprastrakturang itinayo at ipagpatuloy ang maayos na pamumuno.”
VISION
“Sa taong 2026, ang Barangay San Nicolas ay sentro ng kalakalang pang –agrikultura sa bayan ng coron na may masaganang pamumuhay, malusog na mamamayan, mataas na antas ng edukasyon, mapayapa, at nag-kakaisang pamayanan, maayos, ligtas at malinis na kapaligiran at may kumpleto at progresibong pasilidad, na pinamumunuan ng matatag nagkakaisa at aktibong pamamahala.”
HISTORICAL BACKGROUND
“Kauna-unahang minahan ng ‘Manganese’ sa lalawigan ng Palawan sa Bayan ng Coron”.
Walong (8) taon bago pumutok ang ikalawang digmaang pandaigdig, ang industriyang minahan ay masiglang nasimulan sa Bayan ng Coron particular sa Baragay San Nicolas. Ito ang panahon ng kauna-unahang pagmimina ng “manganese” sa bayan ng Coron at sa buong lalawigan ng Palawan.
Ang pagmimina ng “manganese” na isinakatuparan ng “Philippine-Nippon Mining Company” noong taong 1937 sa Sitio Singay, Langka at Pinya ay tumagal hanggang 1965 kung saan ang “Compania Maritima” na pagmamay-ari ng Fernandez Hermanos at pinamumunuan ni Don Peping Fernandez ang huling nagmina. Noong taong 1942-1945, bagamat pansamantalang naantala ng digmaan, ang Luzon Stevedoring Company na pinangungunahan ni G. Santos ang humukay at nangalap ng manganese sa lugar. Ang paghuhukay at pangangalap ng mina ay ipinagpatuloy ng Jecel Mining Company noong taong 1957 hanggang 1960.
Kasabay ng pagmimina ay ang malawakang pagkasira ng kagubatan at kabundukan ng Barangay San Nicolas sa kauna-unahang pagkakataon. Bagamat nakatulong ng malaki sa kita ng mamamayan at mabilis na pag-ikot ng salapi, ito ay panandalian lamang. Ang mga butas o “tunnel” na likha ng minahan ay nananatiling tahimik na saksi sa kalapastanganang naganap hanggang sa kasalukuyan.
Madalas ang isang lugar ay pinapangalanan alinsunod sa Santong Patron ng pamayanan bilang simbolo ng pagkareliheyoso ng mga mamamayan subalit taliwas sa nakaugalian, ang Barangay San Nicolas ay hango mula sa pangalan ni G. Nicolas Manlavi na nagmamay-ari at buong pusong nagbigay ng lupa na kasalukuyang sentro ng barangay. Ang lugar na dating sakop ng Barangay Poblacion ay tinawag na Calauag halaw sa ilog na humati sa kapatagan. Ito ay itinatag na isang ganap na Barangay noong 1905 sa pamumuno ni G. Nicolas Manlavi at nagdiriwang ng kapistahan tuwing ika-15 ng Mayo bilang parangal kay San Isidro Labrador – Santong Patron ng mga magsasaka.
Ilan sa mga unang taong nanirahan sa barangay ay ang mga sumusunod:
- Carmen Sandoval Jovellanos
- Nicolas Bagalay
- Amado Celedonio
- Francisco Magallanes
- Leopoldo Ortega
- Jose Cabelleja
- Pedro Vincua
- Luis Hachero
- Flaviano Rafols
- Hermigildo Mambong
- Inocensio Mabacas
- Epifanio Villoga
Ang “manganese” ginagamit na panlahok sa bakal upang tumibay, tumigas at hindi kapitan ng amag ay kailangan ng mga hapones sa paggawa ng sasakyang-pandigma bago ang ikalawang digmaang pandaigdig ay sumiklab. Ito ang isa sa mga dahilan ng pagpasok ng “Philippine Nippon Mining Company” na binubuo ng mg Pilipino at Hapones sa Barangay San Nicolas noong taong 1937 at pagsakop ng mga sundalong Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig taong 1945.
Kasabay ng pagmimina ay ang pagbukas ng kalsada at paggawa ng anim (6) na kahoy-tulay noong 1937 mula sa kilometro pito (km 7) ng pambansang kalsada hanggang Sitio Singay, Aran at Benecan ng Barangay San Nicolas sa pangunguna ng Philippine Nippon Mining Company. Ang pagbukas ng kalsada kung saan ang koneksyon ng San Nicolas sa bayan ay naging permanente ang naging daan upang ang mababang paaralan ay maitatag noong 1939 makalipas ang dalawang (2) taon mula una hanggang ika-apat na baitang. Ang naitatag na paaralan sa pamumuno ni G. Manuel Ventura, District Supervisor ay sinunog ng mga sundalong hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig. Muli itong itinatag sa kasalukuyang lugar noong 1950 mula una hanggang ika-limang baitang na kung saan labing-limang (15) mag-aaral ang naitala sa unang baitang. Noong taong 1954, ang mababang paaralan mula una hanggang ika-anim na baitang ay itinatag at nagkaroon ng limampu at anim (56) na nagsipagtapos ng pag-aaral.
Ang sakit na malaria ay nagsimulang manalasa noong 1942 at ito ay naging talamak noong taong 1945. Labis na naapektuhan ng malaria ay ang mga sakada ng mga hapones. Maliban sa malaria, ang tigdas ay taun-taong naging sakit ng mamamayan ng barangay.
Ang pamumutol ng punongkahoy sa nasasakupan ng San Nicolas ay nagsimula noong taong 1959 hanggang 1965. Ito ay isinagawa ng Areñas Lumber Corporation sa Sitio Madlungon na sakop ng kasalukuyang 2115 ektaryang ‘watershed area” ng Coron. Ang pagputol ng kahoy sa nasabing lugar na ipinapadala sa bansang Japan, sa pamamagitan ng barko mula sa daungan ng Aran na ginawa noong 1937 sa panahon ng pagmimina.
Ang isang linggong baha na nangyari noong Hunyo 1982 ay epekto ng pamumutol ng punongkahoy mula noong 1959 hanggang 1965 ng Areñas Lumber Corporation na nagsalanta ng maraming pananim at mga hayop. Maliban sa baha, tatlong (3) bagyo ang bumisita at sumalanta sa barangay. 1972 nagkaroon ng sunog na puminsala ng isang kabahayan dahil sa ilawang gasera (Kengke) na ginamit. Ito ay naganap noong Disyembre 1959 (Typhoon Gilda); 1982 (Typhoon Undang); at 1989 (Typhoon Rufing).1987 nagkaroon ng malaria outbreak sa barangay at nagkaroon din pagpapatayo ng Day Care Center sa Barangay Proper. Taong 2001 nagsimula magkaroon ng malawakang Tag-tuyot sa barangay; 2006 nasunog ang Day Care Center sa Sitio Pinamaratan dahil sa grass fire at madalas na magkaroon ng insidente ng pagkasunog sa kabundukan/grass fire sa Sitio Alak-ak; 2008 nagkaroon uli ng isa pang malawakang tag-tuyot sa barangay. 2010 nagkaroon ng High School na ito ay Borac National High scholl San Nicolas Extention na iproseso rin agad at naging San Nicolas National Highschool; 2011 nagkaroon ng Barangay Administrative Office at Health Center; 2012 nagkaroon ng Mababang Paaralan ng Elementarya sa Benekan; 2013 naideklara na ang buong bayan ng Coron kasama ang barangay na Malaria free. At sabay nito ang pagkakaroon ng pinakamalakas na bagyong YOLANDA na nagkaroon ng malawakang pinsala sa kabahayan, ari-arian at kabuhayan ng barangay. 2017 itinayo ang sampung (10) piraso ng solar street light sa mga kanto ng barangay.2018 sinimulan ang paglilinis para sa pagtatayuan ng paaralang elementarya ng Sitio San isidro elementary School San Nicolas extension ng San Nicolas Elementary School.ibinigay din ang pamamahala ng water system ng Abogan sa CWBA-AMPC na dating barangay ang namamahala dito. itinayo din ang outpost at extension ng proper day care Center. 2019, Nagbigay ng tulong ang barangay sa paaralan ng San Nicolas National High School para sa isang gusali. Itinayo naman ang covered court, multi-purpose at health center ng barangay. Itinayo ang isang gusali ng Day Care Center para sa Sitio Benecan sa loob ng Benecan Elementary school at sa kasalukuyan ito ay ginagamit para sa Kinder Garden. Ang Sitio Abaca ay nagkaroon ng Club house at Basketball Court kaagapay ang barangay tungo sa mga pag unlad nito. nagpagawa din ng upuan na konkreto ang samahan ng Sk sa barangay plaza at waitingshed na ginagamit kapag mayroong mga palaro at iba pang aktibidadis sa barangay. 2021 nagkaroon ng pandemya, tinawag itong COVID-19, maraming tao ang natakot sa pandemyang ito dahil marami ang namatay ng tamaan ng sakit na ito, halos buong bansa ay natakot. mayroong isang (1) lalakeng residente ng barangay ang namatay dahil sa COVID-19. 2021, Sinimulan ang Simbahan ng Sitio Calibaong nakiisa rin ang barangay sa papapagawa nito at ang pinagtayuan ng nasabing simbahan ay ipinagkaloob ni Ginoong Leodegario Abringue Llanzanas.Ang water system ng Sitio Benekan- Pacunan ay inayos at binigyan ng barangay ng tanke na stainlees. 2022 nagkaroon ng konkretong kalsada ang Sitio San isdro. itinayo din ang gusali ng TLE sa San Nicolas elementary school na kaagapay ang barangay.2023 nagkaroon ng malaking baha sa barangay na nagdulot ng pagkatakot sa mga residente ng Sitio lati at ang ilan ay nagsipaglikas. marami ding palayan ang nasira at nagkaroon ng pagguho ng lupa sa bundok ng Purok Masagana-Pinya. Mayroong malilit na Sitio mula noon na itinatag ang barangay at ipinagbuo ulit ito sa malaking Sitio o Purok sa kasalukuyan.
Ang Lebken, suloc, Quinsedias at bisbis ay napabilang sa Sitio Abaca
Ang Binaboy, balitbiten, halachac, calawag, Banaba, Tabon-tabon, taboc A & B, at Malcocobe ay napabilang sa Purok 3
Ang Riverside, Depandak, lati ay napabilang naman sa Sitio calibaong
Ang Loko, Mamaken, Aran, Bobon, Baong, Degtayan, Calasag, Mandaraon, Naruntan, Detenglan, Bakod-bakod, Malapiacanen at Nyoy ay napabilang sa Sitio San Isidro.
Ang Sagasa, dalid, langka, Wayan, Pinamaratan, Naruntan, Buang, Bantad, ay napabilang sa Purok Masagana.
Ang Debaket ay napabilang sa Sitio Benekan.
Geographical Location
Ang barangay ay nasasakop sa Munisipyo ng Coron na matatagpuan sa Hilagang bahagi ng Palawan. Ito ay labing-limang kilometro (15 km) Hilagang Kanluran ng Poblacion. Sa Silangan bahagi nito ay ang Barangay Borac. Nasa Kanluran naman ang Barangay Decalachao, sa gawing Timog ay ang Barangay Guadalupe at Barangay Poblacion 6 at sa Hilaga naman ay ang Barangay Decabobo. May Tatlumpot-lima (35) Sitio ang nasasakupan
Accessibility
Ang Barangay ay mararating sa pamamagitan ng sasakyang panlupa katulad ng pampasahero at pangpribadong dyip, traysikel at motorsiklo. Ang Barangay ay binubuo ng bulubundukin na may makapal na kagubatan sa ilang bahagi at mga ilog. Mayroon din itong malapad na kapatagan at palayan.
BARANGAY OFFICIALS
PUNONG BARANGAY
JERSON L. ELBAT
SANGGUNIANG BARANGAY MEMBERS
ELMA R. DE LARA
ISABEL L. MACANAS
EDWIN J. CELEDONIO
MARJO N. SEVERINO
ARNOLD M. ELBAT
JOANA D. ABACA
LUISITO C. MONDRAGON
SK CHAIRPERSON
KEESHA MAE C. APOLINARIO
BARANGAY SECRETARY
RIZALINE A. LLANZANAS
BARANGAY TREASURER
CRISTY JANE G. ALBA
